Archive | research RSS feed for this section

Pananaliksik: Angkop na Pamamaraan sa Pagkatuto

9 Nov

Ang mga mag-aaral ay mayroon kanya-kanyang katangian at kakayahan sa pag-aaral. Ang bawa’t isa ay may natatanging kaalaman, talino at abilidad upang matulungan ang sarili na unawain ang mga naturang paksa o mga gawain na nais ibahagi ng kanilang mga guro sa paaralan. Subalit, ano ang nararapat gawin ng mga mag-aaral para lalong nilang maintindihan ang mga naturang paksa? Paano nila gagawin ito para mailapat naaayon sa kanilang sariling kaalaman, kakayahan at abilidad? Simple lamang ang kasagutan nito. Bawa’t mag-aaral ay dapat matutong manaliksik hindi lamang sa kanilang  Asignaturang Pananaliksik kundi kahit sa anumang mga asignatura o kurso na inilalatag at isinasakatuparan sa kasalukuyan naaayon sa kurikulum ng bawat paaralan o anuman institusyon na may sapat at wastong layunin para makamit ang pangkalahatang pagkatuto ng bawat mamamayang Pilipino.

Layunin at Kahalagahan

Gaano ba kahalaga na matuto ang bawa’t mag-aaral na manaliksik? Una, sa pananaliksik ay natututo ang mag-aaral na hanapin at alamin ang mga bagong kaalaman o interesadong mga bagay na sila mismo ang nakaalam o gumawa nito. Natututulungan ang mga mag-aaral na maging masipag, matiyaga, malikhain at malayang magdisisyon, kumilos o gumalaw na hindi umaaasa sa iba. Pangalawa, sa pananaliksik ay natutulungan mismo ng mag-aaral ang kanyang sarili na matuto. Sapagka’t hindi lamang ang paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pakiramdam ang ginagamit sa pananaliksik kundi pati malalim na pagsusuri at interpretasyon ng bawat impormasyon na makuha nila ay maayos na maiproseso sa kanilang mga kaisipan. Sa ganoong paraan, malaking bahagi sa pagkatuto nila ang wastong pamamaraan ng pananaliksik dahil hindi lamang nila ito pinag-iisipan bagkus ginagawa rin nila ito para matuto na umaayon sa teorya ni John Dewey sa wikang Ingles na “Learn by doing it.”  Panghuli, Ang pananaliksik ay isang kasangkapan para mapahusay lalo ang kakayahan ng mag-aaral sa pakikipagkomunikasyon; mapalawak lalo ang magandang relasyon ng mag-aaral sa kanyang kapwa at mapalawig pang lalo ang kaalaman niya sa kanyang kapaligiran at lipunang ginagalawan.

Mga Dapat Tandaan

Sa pananaliksik ay marami ang dapat tandaan ng mga mag-aaral. Nakatala ito sa gawing ibaba.

  1. Maging mapatmatyag sa buong kapaligiran.
  2. Tukuyin ang napipintong suliranin o tinatayang balakid.
  3. Ilahad ang posibleng solusyon sa nasabing suliranin.
  4. Magplano ng isang maayos na pamamaraan para masolusyonan ang nasabing suliranin.
  5. Kumilos o gumawa naaayon sa plano at pamamaraang nabanggit.
  6. Magtala ng mga datus o mahahalagang impormasyon.
  7. Suriing mabuti ang bawat detalye ng impormasyon at lapatan ng angkop na gamit pang-statistica para sa interpretasyon nito.
  8. Sabihin o ilahad ang resulta nito. Ulitin ang pamamaraan ng maraming beses.
  9. Ilahad muli ang pangkalahatang resulta para masagutan ang mga katanungan o matugunan ang mga suliranin o balakid.
  10. Ipahayag ang mga bagong impormasyon o epektibong solusyon ng nasabing suliranin para sa mga mambabasa.

Mga Dapat Iwasan

Sa pananaliksik, marami ang dapat iwasan ng mga mag-aaral.  Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Iwasan ang mga impormasyon sa Internet na pawang mali o hindi makakatotohanan.
  2. Iwasan ang maling paggamit ng Internet at hindi wastong pag-uugali at gawi sa paggamit nito
  3. Iwasan ang mga taong manloloko, mapagsamantala, mapanlamang sa kapwa, mapagkunwari o mapagpanggap at may kaduda-dudang hangarin o motibo.

 

 

 

 

 

Advertisements